Lima na ang natatapos. Dalawa na lang.
Pito ang mga gawaing itinakda ng Kagawaran ng Filipino para kahit paano bigyan ng puwang ang pagtatanghal sa wikang Filipino sa konteksto ng Xavier. Tapos na ang Palarong Pinoy at Tales From Mindanao ng High 1, ang Dulang Panradyo ng High 3, at Bigkas at Misa gamit ang wikang Filipino na unit wide activities.
Nariyan din ang mga kompetisyon sa paggawa ng Bulletin Board, Tula, at Slogan.
May ilang oras din na masasabing isinantabi para sa mga gawaing ito. At may mga tao sigurong cynical na magbibigay ng opinyon na pag-aaksa lamang ito ng panahon. Ngunit iyon nga ba ang katotohanan? Sa aking palagay, hindi. Anumang oras na inilaan sa pagdakila ng anumang may kinalaman sa ating pagkakakilanlan bilang Filipino ay hindi pag-aaksaya ng oras. Manapa'y mga mahahalaga itong panahong iginugol sa napakahalagang bagay ng pagbibigay pundasyon sa ating pagka-Filipino.
Humanga ako sa mga taong kasama ko sa Kagawaran na, sa aking palagay, mga kapwa ko sila guro na lumagpas sa mga hinihingi sa kanila ng kanilang tungkulin. At ano ang nagbigay ng enerhiya sa kanila upang lagpasan ang "tama lang" at ibigay ang "magis?" Marahil may magsasabi, pag-aangat sa sarili. Marahil nga. Ngunit, hindi siguro iyon ang kabuuan. Sapagkat kung iyon lamang, gaano ang itatagal ng pagbibigay ng sarili? Sandali lamang at hindi maglalaon, mawawalan na ng gana kung hindi makukuha ang papuring hinahanap.
Pagmamahal sa wikang Filipino at paniniwala sa kanilang mga itinuturo ang tunay na susog ng pagbibigay ng mga sarili ng mga kasama ko sa Kagawaran. At ginagawa nila ito kahit na walang papuri at sa kabila ng ilang pamimintas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento