Biyernes, Agosto 1, 2008

PWE!

Hindi ko maari ang tawag na makata o sa madaling salita, insecure akong manunulat ng tula.  Ito ang damdamin ko kahit manaka-naka'y nagsusulat ako ng tula at minsa'y mailathala na ang isa sa mga gawa ko sa "Pugad" ng Ateneo High School. 

Simple lang ang dahilan ng pag-aatubili ko: hindi ako aral sa pagsusulat ng anyong pampanitikang ito.  Mahilig lang akong bumasa at pigain ang utak ko at ang teksto para makuha ang kahulugan nito.  Bagama' t hindi pa ako nakakatikim ng opyo at naguguni-guni ko lang ang epekto nito, mailalarawan kong parang opyo sa akin ang isang magandang tula.  Naha-high ako rito bagama't hindi naman ako itinatakas sa katotohanan bagkus ay higit pa nga akong ikinakabit dito.

Pero, tila nag-iiba ang pananaw ko sa sarili ko habang nagtatagal ako dito sa Xavier.  Parang unti-unti kong naaari ang katawagang makata.  Una na, nariyan ang mga estudyante ko noong nakaraang taon.  Sila ang unang nakarinig ng ilan sa mga tula kong nilikha.  Hindi ang pangangailangan ng atensyon ang nagtulak sa akin na ipakita sa kanila ang mga tula ko kundi ang pangangailangang magbahagi sa kanila ng ugnayan ng manunulat at lipunan , pati na ang proseso ng paglikha ng panitikan sa simula ng taon.  Gusto kong manggaling sa tunay na karanasan ang ibabahagi ko sa kanila at hindi galing sa teorya. 

Nakapagdulot ng tuwa sa akin ang reaksyon nila partikular ang isang mag-aaral na nagbilin sa akin na bago sila magtapos dapat akong sumulat ng iang tula para at para lang sa kanila.  Pero ayaw kong tapikin ang sarili kong balikat nang kahit bahagya, kasi estudyante iyon.  Baka nambobola lang.

Kalagitnaan naman ng taon nang maganap ang unang "Bigkas."  Bumuo nuon ang Student Council at mga Kagawaran ng Filipino at English sa pangunguna ni Boom ng isang programa kung saan magkapagtatanghal ang mga guro at mga mag-aaral ng musika't awitin at makapagbabasa ng tula.  Marami kaming nagsalita, isa lang ang boses ko sa maraming tinig subalit tila pagkakataon sa buhay ko iyon na hindi ko malilimutan. Sa okasyong iyon ako unang bumigkas ng tula sa higit na malaking larangan at publiko.  Hindi marami ang tao, maliit lang ang stage pero lupa ang sahig namin at langit ang bubong at sangkalikasan ang nakikinig (ginawa kasi sa patio!)  Wala nang higit pang lalaking larangan at publiko kaysa roon!  Idagdag pa ang reaksyon ng ilan sa mga kapwa ko gurong naging kaibigan ko sa Xavier.

At heto pa nga ang hapong ito.  Sa paanyaya ng aming school director, sumali ako kasama ang ilang kapwa guro sa ilang sandali ng pagbabahaginan ng pagkain, inumin, at mga tula.  Pinili kong unang basahin ang isang tula ni Teo S. Baylen, "Ang Tinig ng Darating" at ikalawa ang sarili kong tula na nilkha bilang tugon sa bilin nuong mag-aaral na tinutukoy ko.  Binasa ko ang gawa ni Teo at ang sa akin ayon sa adaptasyon ko ng estilong narinig kong ginamit ni G. Michael Coroza nang magbasa siya ng tula sa klase namin sa MA.  Walang hiya-hiya kasi nasa piling ako ng mga kaibigan.  Bantulot ako nuong simula kaya pamali-mali ako pero unti-unti, nabuo ang tinig ko at lumambot ang aking dila.  Nagawa ko na maglagay ng tono at damdamin.

Ang karanasan ko ngayong hapon ay parang microcosm ng naging buhay ko dito sa Xavier sa halos dalawang taon ng pamamalagi ko rito.  Nasa piling ako ng mga taong ibang iba sa akin sa maraming larangan at aspekto subalit tulad ko rin ay nagpupunyagi, nagtutulungan at nag-aalalayan na palabasin ang pinakamagaling na maaari sa aming mga sarili.

8 komento:

  1. naniniwala ako sa kakayahan mo, jules hernie

    TumugonBurahin
  2. Hindi pang multiply ang sagot sa comment mo, Boom!

    TumugonBurahin
  3. Thanks, Mike... Pero alam ko bolero ka, eh.

    TumugonBurahin
  4. Salamat din, Tina. Pero alam ko rin bolera ka. Hehe.

    TumugonBurahin
  5. ano pa bang tinatago mo? sa post-modernong mundo, wala nang pampribadong espasyo. kaya sabihin mo na kung sino crush mo. wahahahaha

    TumugonBurahin
  6. Ayaw. 'Kaw nga, ang tagal mong itinago. Hehe.

    TumugonBurahin