Rating: | ★★★★ |
Category: | Movies |
Genre: | Animation |
Hindi naman ako binigo ng Dayo. Unang-una na siguro, hindi ko tinaasan ang nibel ng inaasahan ko. Kinumbinsi ko rin ang sarili ko na hindi ko pagtutuunan ng pansin ang mga kahinaan ng pelikula sa larangang teknikal dahil wala naman talaga tayong tradisyon ng anime o animation; komiks lang--ni hindi pa nga comics.
Nasiyahan ako sa pelikula, natawa ako sa ilang nakatatawang tagpo at kahit sa ilang hindi, naantig ang damdamin ko sa mga sandaling kaantig-antig at sa mga hindi, namangha ako sa mga kulay, tunog, at mga nilalang na bunga ng mga guni-guni ng manunulat, mga tagaguhit, at direktor. Sa madaling salita, nakapasok ako sa mundo ng... hindi Elementalia... kundi Dayo.
Ipinangako ko sa sarili ko na hindi ko papansinin ang teknikal na aspekto ng dula. At tinupad ko iyon, subalit hindi ko mapalampas na punahin ang akda sa larangang artistiko kahit sa isang aspekto lamang at iyon ay ukol sa pagsasalaysay.
Bilang isang guro sa panitikan, patuloy akong namamangha sa kawalan ng kakayahan ng ating mga manunulat na lumikha ng mga istoryang may internal na tunggalian ang pangunahing tauhan at ang buong kuwento ay nakalunday sa tunggaliang ito. Lagi't lagi ang mga salaysay na nakatatagpo ko sa aking pagbabasa ay mga kuwentong itinutulak at ginagawang interesante ng dami ng mga pangyayari. Sabi ng ilan, ayaw raw kasi ng mambabasang Pinoy na mag-isip. At sa kasawiang-palad, ang Dayo ay hindi nakaligtas sa nakagawian nating ito bukod pa sa pagpapahinuhod sa mga diyos ng komersiyalismo--isang katotohanan na kahit tayong nasasatabi lamang at may layang pumuna kung kailan ibig natin ay hindi maiiwasang aminin.
Magkagayunman, lumabas ako sa sinehan nang palihim na inaawit ang pangunahing awitin ng pelikula na balita ko ay nananalo ng award. Maaaring magaling nga iyon o dahil nakahihiya naman kung matatalo ang kanta ng ipinagmamalaki nating si Lea Salonga. Subalit para sa akin, kapag ginagawa ko ang aksyong iyon, iisa lang ang ibig sabihin: may inukit sa isip at puso ko ang pelikula.
Isa itong napakainam na simula ng mga magiging pakikipagniig ko sa mga tauhan ng mundo ng pinilakang tabing.
hmmmmm, kinikiliti mo ako para panoorin ito.
TumugonBurahinNakakabilib ang iyong panulat para sa isang pelikula, Ako man ay nahahalinang silayan ang pinaka-unang Animasyon gawa sa ating bansa, Ingat
TumugonBurahinKumampi sa akin si Butch Francisco!
TumugonBurahinHi Vincent! Tagalog na Tagalog, ah!
TumugonBurahinHindi yata ito ang una, Vincent. Natatandaan ko nong bata pa tayo, meron nang Panday at Darna cartoons sa tv. Pero hindi na magaling ang "Dayo."
TumugonBurahin