Ang unang babae
Sa buhay ko.
Hindi ang aking ina.
Bagkus
Isang dalagang
Aninag na lamang sa aking alaala
Ang alon-alon niyang buhok
Pati na ang kanyang ganda.
Isang taon noon
Bago ako tumuntong
Sa itinakdang pagbibinata
Pinalad akong makatabi siya ng upuan.
Dikit ang aming mga bisig
Ang aking kanan sa kanyang kaliwa.
Sampung buwan iyong
Puno ng inspirasyon:
Nagtangka akong gumuhit gamit
Ang kanyang mga krayola.
Sinubukan kong bumigkas ng mga salita
Upang kanyang mapuna.
Ninasa kong makapareha siya
Sa aming monito at monita
Pati na sa mga dula-dulaan
Sa mga asignatura ni Mrs. Pagulayan.
Subalit mapaglaro yata ang tadhana
Sa aking batang puso
Dumating ang panahon ng tagtuyot
Nang magpaalam siyang di na babalik
Sa pagsapit ng darating na tag-ulan.
Ngayon, ang tanging alam ko lang:
Ang kanyang pangalan
Isang bulaklak para sa Ina ng Sansinukuban
At dalawang bayan
Ang layo ng kanilang bahay sa amin.
Ayoko siyang hanapin ni puntahan
At baka kung ano
Ang aking matagpuan
Itong babaeng una kong inibig.
Ika-21 ng Pebrero 2011, 10:30 ng gabi
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento