Unang beses kong susulat ng espesyal na Palanca. Laging panay generic na sulat lang sa mismong card ang ginagawa ko. Ang dahilan? Walang panahon kung minsan, at madalashindi ko ganon kakilala ang estudyante.
Pero sumusulat ako sa iyo. Bakit? Isang pagbati, una. Dumaan ka na sa Days—isang mahalagang bahagi ng buhay ng isang Xaverian at ng isang Kristiyano. Sana naging higit na malalim, totoo, at buhay ang relasyon mo sa Diyos na nagkatawang-tao: si Jess. At mula sa retreat na ito, magpatuloy nawa ang relasyong ito at maging bukal at ugat ng pang-araw-araw na buhay mo.
Kung titingnan kita, naiisip kong hindi mo kailangan ang Days. Wala ka namang problema bilang tao. Maayos naman ang buhay mo. Buhay na buhay naman ang pang-akademiko at co-curricular na aspekto ng iyong pagkatao. Mabuti ka rin namang anak at kaibigan. Isa ka sa Xaverian na nagsasabuhay ng 6Cs. Pero alam ko na alam mo na hindi natatapos ang Days sa weekend na ito. Ipinapanalangin nga dito na lumagpas pa ang Days sa tatlong araw tungo sa iyong ordinaryong buhay. Isapuso mo, kung ganoon, ang iyong natagpuan sa mga araw na ito sa piling ng Panginoon. Higit na magiging di nakapapagod at higit na magiging “hindi lang sa iyo” ang bawat gawain at pagpapagal kung nakasentro ang lahat kay Jess.
Ikalawa, isang pasasalamat. Sa iyo. Sa pagiging ikaw. Hindi ko alam ang motibasyon mo sa pagsama sa akin sa pagbuhay sa Lingkod. Selfish lang ba o higit na lagpas sa sarili ang pagtingin. Hindi ganon kahalaga sa akin ang sagot dahil hindi man ako sigurado sa katotohanan, ang mahalaga ay nagbibigay ka ng sarili mo sa Komiteng ito at kung ganoon, sa sinasagisag nito: ang pagnanais na paunlarin ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapamulat sa iba. Kung tutuusin, higit pa ito sa hinihingi ng Xavier sa kanyang mga estudyante. Salamat nang marami, kung ganon, sa pagpapagal mo para sa iyong bansa at para sa ating mga kababayan. Naniniwala akong higit na nagiging malakas at makabuluhan ang Lingkod nang dahil sa presensiya mo.
Ikatlo, isang panalangin. Magtiwala ka sana,________, sa iyong galing at sa kung ano ka. Napapansin ko kung minsan ang kawalan ng kasiguraduhan sa iyo, ang tiwala sa sarili. Mabuti kang tao at sapat na iyon upang bigyan mo ang sarili mo ng lakas ng loob na ngayon ay lakas ng loob at pagtitiwala sa iyong sarili na nagmumula kay Jess. Mahalaga ka sa kanya. Huwag mo sanang kalilimutan iyon sa kabila ng mga bigat na iyong nararanasan bilang isang mag-aaral.
Magkita tayo sa daigdig sa labas ng Days. Nawa’y magpatuloy ka.
G. Jules Philip Valido-Hernando
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento