Lunes, Setyembre 5, 2011

"Alaala" ni Jules Philip Valido Hernando

Natatandaan ko pa
Ang unang babae sa buhay ko.

Hindi ang aking ina
Bagkus
Isang dalagang
Aninag na lamang sa aking alaala
Ang alon-alon niyang buhok
Pati na ang kanyang gandang
Kamukha raw ni Vilma.

Isang taon noon
Bago ako tumuntong
Sa pagbibinata
Pinalad ako na makatabi siya ng upuan
Dikit ang aming mga bisig
Ang aking kanan sa kanyang kaliwa.

Binigyan niya ako ng inspirasyon
Sa loob ng isang taon:
Natuto akong gumuhit gamit
Ang kanyang mga krayola
Sinubukan kong bumigkas ng mga salita
Upang kanyang mapuna
Ninasa kong makapareha siya
Sa aming monito at monita
Pati na sa mga dula-dulaan
Sa mga asignatura ni
Ginang Edna.

Subalit mapaglaro yata ang tadhana
Sa aking batang puso
Dumating ang panahon ng tagtuyot
Nang magpaalam siyang di na babalik
Sa pagsapit ng darating na tag-ulan.

Ngayon, ang tanging alam ko lang:
Ang kanyang pangalan
Isang bulaklak na alay
sa Ina ng Sansinukuban
At dalawang bayan
Ang layo ng kanilang bahay sa amin.

Ayoko siyang hanapin ni puntahan
At baka kung ano
Ang aking matagpuan

Itong babaeng una kong inibig.

Ika-21 ng Pebrero 2011

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento