Huwebes, Setyembre 8, 2011

"Bilangguan ng Kaisipan" ni Jules Philip Valido Hernando

Bilangguan sa akin
Ang ating silid-aralan.

Rehas sa akin ang bawat paksa:
Nagdadala ng kirot sa
Himaymay ng aking isipan
Ang kanilang tigas at lamig
Na tila baga ayaw pahawak
Sapagkat may banta
Ng pagbubukas sa mundong
Pilit ipinagkakait sa mga
Utak na maaaring pumulot
Dito ng samu’t saring kahulugan.

Mga pader sa akin ang bawat diskusyon:
May iniingatang pagbusal
Sa bibig ng kaisipang
Manaka-nakang nagbabadya
Sa panganib ng pagbulong
Ng mga saloobing wawarat
At mangguguho sa mga palagay
Na iniingatan sa haba ng panahon
Nagkukubli sa mga katotohanang
Mahapdi ang pagsinag sa kadiliman.

Sa bilangguang ito’y
May pumipintig na mga pusong
Nagtutulak sa dugo upang
Rumagasa sa landasin ng mga ugat
Humahanap ng buhay
Sa likod ng mga rehas
Gumagalugad ng mga pangarap
Sa loob ng mga pader.

Sa mga ito ko natantong
May kalayaan din pala ako
Sa silid-aralang ito.



- Para kay Mark Co at 4G ng 2007-2008 na ang paghiling ay pumilipit sa aking kamay upang muling sumulat.
- Para sa Kagawaran ng Filipino ng 2007-2008 na nagturo sa akin na sa gitna ng disyerto ng mga relasyon ay mayroong bumabalong na tubig, partikular kay Mike Cuepo—kanya ang huling talata ng tulang ito.
- Ika -28 ng Pebrero 2008

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento