Miyerkules, Setyembre 7, 2011

Jumanji: Ang Tawag ng Pagpapakatao

Iyan ang pamagat ng isa sa napakaraming pelikula ni Robin Williams noong 1990s. Sang-ayon sa tsimis Being Human daw ang kahulugan nito sa wikang Pranses o sa Filipino, "Pagpapakatao." At bagamat naalala kong pinulaan ng isang kritiko ang pelikulang ito dahil nga raw walang kaugnayan ang pamagat sa nilalaman, tumabo naman ito nang todo sa takilya.  Magkagayonman, may mahalagang itinanong sa akin noon ang pelikula: Paano ba magpakatao?  Hindi ko sinasabing may nakita akong sagot sa naturang palabas na hindi nakita ng kritikong iyon.  Sinasabi ko lang na itinulak niyon akong magtanong noon.  At patuloy na magtanong sa paglipas ng panahon.

Nito ngang mga nakaraang araw, ito na namang katagang ito at ang kaakibat nitong katunungan ang pumapasok sa isipan ko.  Pumapasok, umuukilkil, nangungulit, namimilit.  At bakit hindi, samantalang ngayon ko lang nararanasan ang katotohanan ng kasabihang Filipino na "Madaling maging tao, mahirap magpakatao"?

Laki ako sa seminaryo.  At doon, bagamat hindi perpekto, ang liit naman ng mundong ginagalawan mo.  Kakaunti ang iyong mga nakakasalamuha, panay mga lalaki pa.  Idagdag pa na may malinaw kayong pamantayan ng tama at mali, at kung ganon, ng aksyon, ng moralidad, ng nararapat at di nararapat. Kinakabisa pa at pinauulit-ulit ang pamantayang ito na nalista bilang mga batas bukod pa sa matamang pagpapatupad nito.  Totoong ang yaman-yaman pa rin sa mga personalidad ng mga maliliit na pamayanang na kinabilangan ko habang lumalaki, pero kung ikukumpara naman sa buong daigdig o kahit sa daigdig sa labas ng apat nitong sulok, lalabas na napakasimple ng pakikipagrelasyon o pagpapakatao na hinihingi ng kontekstong iyon sa isang batang tulad ko.

SIR, smooth interpersonal relations, sabi sa klase ko ng sosyolohiya at antropolohiya noong kolehiyo.  Napakahalaga raw nito sa relasyong Filipino, kung ganoon sa partikular na hinihinging pagpapakatao sa ating mga Filipino.  At sinasabi nito na gawin mo na ang lahat, basta huwag mo lang guguluhin ang maayos na samahan ng isang grupo, pamilya o pamayanan. Pakikisama kahit na ang kahulugan nito ay paglulon sa mga nakikita mong kahinaan o kamalian.

Halimbawa, nakikita mo ang isang taong katrabaho mo na pangit ang trabaho. Tumahimik ka na lang dahil kung kikibo ka, siguradong ikaw ang mapapasama. Ang hirap tanggapin, hindi ba?  Lalo na kung ikaw ay nagnanais na mapaganda ang sitwasyon ng ating lipunan at bansa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento